Hanggang sa muli...



Mahirap magpaalam sa isang tao na nakapagbigay sa'yo ng mga alaala na mahirap kalimutan. Mahirap tanggapin na yung tao na minsan ay nakasama mo sa mga saya at lungkot ay tuluyan ng nawala sa paningin mo. Masakit pero dapat tanggapin na hindi lahat ng tao na nakapiling mo sa maikling panahon ay siya mo ring makakasama sa mahabang panahon. 

Marami akong natutunan sa taong ito kahit saglit lang kami nagkasama. Ang ipinakita niya na katangian ay sapat ng detalye upang lubusan ko siyang makilala. Madali siyang maka-aappreciate ng mga bagay. Mahirap ang kalagayan niya pero hindi niya yun pinagsigawan. Kinuwento niya ang mga masasakit na karanasan pero ni hindi ko naramdaman na ito'y para maawa sa kanyang kalagayan. Ang lakas niya. Siya ang patotoo na lahat ng pagsubok na dumarating sa buhay ng tao ay kayang-kayang lagpasan at mapagtagumpayan. Kapag naalala ko kung paano siya magkwento, ramdam ko na kuntento siya sa mga nangyayari sa kanya, ni hindi niya ininda ang sakit bagkus naramdaman ko lalo na lumalakas siya sa kahinaan niya. Ipinagkaloob ng Diyos ang magandang pagkakaton na makilala namin siya dahil malaki ang naging papel niya sa bawat isa sa amin na nakakakilala sa kanya. Napakapositibo niya kahit kitang kita na napakanegatibo ng nangyayari sa paligid niya at kahit sa sarili niya. Hindi siya nawalan ng tiwala sa Diyos dahil alam Niyang maganda ang plano sa Kanya ng Ama. At tunay, napakaganda nga. Ni hindi niya ipinagmalaki lahat ng mga nakamit niyang pagtatagumpay sa pag-aaral o ipinagmalaki na napakaraming nagmamahal sa kanya. Tahimik siyang gumagawa para sa taong mahal niya. Kitang-kita ko na ayaw niyang maging pabigat kahit kanino. 

Tunay, isa siyang biyaya para sa akin, para sa amin na mga kaibigan niya. Ngayong natapos na niya ang kanyang takbuhin, kami naman ang magpapatuloy sa aming paglalakbay na baon-baon ang iniwan niyang alaala... Alaala na magiging inspirasyon namin para lumakas pa.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Patience: The Virtue of Waiting with Grace

Wala akong masabi

Sabay na Nating Tuklasin