Paboritong Parte ng Bahay

Sa maraming beses kong tinignan ang bahay namin, lagi kong nasusumpungan na magkakalayo ang mga bahagi nito.

Siguro mali ang pagkabuo ng bahay namin kaya hindi naging maayos ang dibisyon ng bawat parte.
Makikita mo na ang sala ay naging kainan. Naroon ang mga kalat ng pinagkainan, naroon ang iniwang mga hugasan, naroon ang mga natapon na pinaginuman.

Ang kainan ay naging hintayan ng mga labahang dapat ng ibabad sa tubigan, mga damit na punung puno ng dumi na dulot ng kapaligiran at mga napaghalong puti at dekolor na nakakalat lang sa hapagkainan.

Anupa't ang kuwarto na sana ay pahingahan ay naging kanlungan ng naghahanap ng mapanuksong kasiyahan. Magdamag nagtatatalon sa kama kasama ang mga tinuturing na mga kaibigan. Ang kuwarto na sana'y katahimikan ang masusumpungan, naging higaan ng pansamantalang kaligayahan.
Ang garahe na sana ay para sa mga kotseng magagara ay naging lugar ng mga gustong mapag-isa lamang. Doon sa sulok ng garahe matatagpuan ang sandaling kapayapaan na hindi matatagpuan sa loob ng tahanan.

Ngunit sa kabila ng magkakalayong parte ng aming tahanan, nakasumpong ako ng isang bahagi na sobrang ganda. Sa may bubungan ay nakaupo ako sa ilalim ng mga ulap na kahit sila'y magkakalayo ay nakikita pa rin ang kagandahan ng bawat isa. Pinagmamasdan ang kalangitan na nagbibigay sa akin ng ligaya. Ang payapa ng aking puso kapag nasa itaas ako ng aming bahay kasi hindi ko nakikita ang magkakalayong parte na nabuo lang ng walang pundasyon na naka-angkla.


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Patience: The Virtue of Waiting with Grace

Wala akong masabi

Sabay na Nating Tuklasin